Bukod sa pagpapasaya sa marami ay inspirasyon na ring maituturing si Herlene Budol, mas kilala sa screen name na ‘Hipon Girl.’
Sa kanyang Facebook post ngayong Miyerkoles, ibinahagi ni Hipon Girl ang hirap na tinitiis mapagsabay lamang ang pag-aaral at pagtatrabaho.
Idinaan niya sa isang maikling tula ang caption sa larawan kung saan makikitang natutulog siya sa klase na marahil ay dulot ng pagod.
“Gusto ko lang naman makapagtapos, kaso sa buhay kami ay kapos. Pumapasok sa trabaho at skwela, pinagsasabay para sa diploma,” ani Budol.
“Ang hirap maging mahirap, kaya pinipilit abutin mga pangarap. Ginagamit ang diskarte, bawal sa maarte. Para makapag-uwi kahit mahigit lang sa bente, ayun pambayad kuryente,” dagdag pa niya.
Pinasalamatan din niya ang kanyang pinapasukang kolehiyo sa pag-unawa nito sa kanyang kalagayan bilang working student.
Ayon sa 22-anyos na aktres, isang taon nalang ay magtatapos na siya ng pag-aaral.