Tinanggal bilang chairman si Pangulong Rodrigo Duterte ng paksyon ni Senador Manny Pacquiao sa PDP-Laban at ipinalit si Senador Aquilino “Koko” Pimentel.
Sa pahayag ni Ron Munsayac, executive director, ito ang napagbotohan ng kanilang national council na tinawag niyang “original” na PDP-Laban sa kanilang convention nitong Linggo ng hapon.
Matatandaan na nagkaroon ng hidwaan sa loob ng PDP-Laban sa pagitan ng paksyon ni Pacquiao at kabilang panig na kontrolado naman ni Energry Secretary Alfonso Cusi.
Nitong Hulyo, sinibak ng grupo ni Cusi si Pacquiao bilang PDP-Laban president at kay Pangulong Duterte pa na umaaktong Chairman ng partido, nanumpa si Cusi bilang bagong PDP-Laban president.
Nag-ugat ang hidwaan sa loob ng partido dahil sa umano’y nakatutok na ang panig ni Pimentel sa pag-endorso kay Pacquiao bilang standard bearer nila sa darating na Presidential elections sa Mayo 2022.
