"Pasensya ka na, wag kang magagalit sa 'kin, pasensya ka na't mejo hindi ko alam ang mga pangyayari, hindi, wala akong ibig sabihin"
"Kung may nasabi man ako sa pep talk, pag pasensyahan mo na ako, pasensya na po talaga"
Ito ang mensahe ni Long Mejia kay Ellen Adarna na co-star nya sa John en Ellen ng TV5.
Sa eksklusibong ulat ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) nitong Agosto 5, humingi ng dispensa si Long dahil nakapagbitiw raw siya ng mga maaanghang na salita kay Ellen nang walang sapat na basehan.
Noong gabi ng Agosto 4, iniulat ng PEP.ph ang sama ng loob ni Long dahil naapektuhan daw ang produksiyon nang umalis si Ellen nang hindi umano tapos ang trabaho nito.
Pero nitong Agosto 5, tila nagkausap sina Long at Ellen tungkol sa isyu.
Ayon kay Long, lumalabas na may impormasyong hindi niya nalalaman kaya niya kinuwestiyon ang pag-alis ni Ellen sa set.
Bago ang pahayag ni Long ay sinagot si Ellen ilang netizens na hindi totoong siya ay naging "unprofessional" sa trabaho dahil may kasunduan daw tungkol sa kanyang cut-off sa sitcom.
Iginiit ni Ellen na sumusunod lang daw siya sa cut-off na ipinangako sa kanya.
Nagpahiwatig din si Ellen sa kanyang Instagram comment na tila may mga taong hindi nasabihan ng "crucial information" tungkol sa kanyang cut-off.
