Napilitang lumantad ang musikero at kompositor na si Mike Hanopol para singilin si Manny Pacquiao sa tatlong kantang ginawa niya na aniya’y hindi pa bayad.
Sa eksklusibong ulat ng PEP, sinabi ng 75 anyos na folk singer na kinomisyon umano siya ni Pacman na gumawa ng tatlong Jewish songs. Naganap ang transaksyon noong September 2019 at saksi raw ang Jewish travel vlogger na si Drew Binsky.
Hiling ni Mike na sana raw ay bayaran siya ni Manny dahil nangangailangan siya ng pera.
Nitong June ay naospital si Mike dahil dinapuan siya ng COVID.
Aniya, walang halong pulitika ang ginawa nyang paglantad. Ang kanya’y mabayaran lang siya sa mga nilikhang awitin na para raw sa simbahan.
Hindi pa matiyak ni Mike ang eksaktong halaga ng dapat bayaran ng mambabatas dahil may kaakibat itong standard rate bukod sa siya pa ang kumanta ng isa sa tatlong awiting kinomisyon siyang gawin, recording fee at iba pa.
Ang panawagan ni Mike ay nangyari isang araw pagkatapos ng laban ni Pacquiao versus Yordenis Ugas kung saan bigo itong masungkit ang WBA Welterweight championship title.