Nagpahayag ng suporta si Atty. Kiko Pangilinan sa pamilya Miranda matapos ang kontrobersyal na pagkakaaresto kay Neri Naig-Miranda noong Nobyembre 23.
Sa Instagram post ni Chito Miranda, inilahad nito ang kalagayan ng kanyang misis, na kasalukuyang nakakulong dahil sa mga kasong syndicated estafa at paglabag sa securities regulation code. Ayon kay Chito, walang kasalanan si Neri, at ginamit lamang ang kanyang imahe bilang endorser upang makakuha ng mga investor para sa Dermacare, ang kumpanyang pinamumunuan ng tunay na may-ari.
"Wala siyang kinuhang pera sa ibang tao. Lahat ng pera nila ay na kay Chanda, ang may-ari ng Dermacare," ani Chito.
Binanggit din niya na hindi man lang nabigyan ng abiso si Neri tungkol sa bagong reklamo laban sa kanya.
"Dinampot na lang siya bigla... Nadismiss na yung mga similar na kaso sa ibang lugar, at we're praying na sana ma-dismiss na din ito."
Mensahe ni Atty. Kiko
Sa comment section, nagbigay ng kanyang pahayag si Pangilinan, nagsasabing handa siyang tumulong kay Neri.
"Ang product endorser ay isang talent at hindi dapat nananagot sa iligal na gawain ng may-ari at management ng isang korporasyon. Biktima rin si Neri tulad ng ibang nabiktima nung mga estafador sa likod ng kumpanya," ani Kiko.
Dagdag pa niya, dapat habulin ang tunay na may sala at maibalik ang kaso sa piskalya para sa preliminary investigation.
"Nawa’y madismiss o maibalik ang kaso sa piskalya... para ma-lift o ma-quash ang arrest warrant."
Pagtulong ng Kapwa at Mga Netizens
Sa kabila ng pinagdadaanan ng Miranda family, bumuhos ang suporta mula sa iba’t ibang personalidad at netizens. Nananatiling umaasa ang mga tagasuporta na maayos ang kaso ni Neri at maibalik ang hustisya.
Wala pang tugon si Chito sa alok na tulong ni Pangilinan ngunit patuloy na umaasa ang pamilya na malulutas ang isyung ito sa lalong madaling panahon.