Wala ni isa mang positibong komento ang inani ng hanash ni Kim Atienza sa naging coverage ng ABS-CBN sa kasal ni Maguindanao Second District Representative Esmael “Toto” Mangudadatu kay Sharifa Akeel nitong Agosto 25.
Wari’y gustong ipaalala ni Kim sa kongresista mismo na noong panahong under-attack ang mga Mangudadatu ng pamilya Ampatuan at mga kalaban nito ay sinuportahan sila ng ABS-CBN.
Ito’y kaugnay ng tinawag na Maguindanao Massacre noong 2009 na maituturing na election-related violence. Ilang kaanak ni Toto at taga-media ang kabilang sa mahigit 50 katao ang walang awang pinaslang.
Si Toto ay isa sa 70 kongresista na humarang na mabigyan ng prangkisa ang ABS-CBN.
Sarkastikong post ni Kim, “And here we are covering his wedding.”
Pero sa halip na makahanap ng kakampi, ipinamukha ng ilang netizen kay Kim na walang utang na loob na dapat tanawin si Mangudadatu sa naturang istasyon dahil trabaho nitong maghatid ng balita kung paanong ‘yun din ang responsibilidad ni Kim sa publiko.
Hindi lang naman daw ABS-CBN ang nag-cover ng Maguindanao Massacre kundi maging ang international press.
Hindi na nagkomento si Kim pero may nagtanong kung kaaway ba niya si Mangudadatu. “No, he’s not my enemy,” tugon ni Kim na burado na sa thread.